Friday, April 8, 2011

Modernong Maglalako


Modernong maglalako sa Brgy.Pangao, Ibaan, Batangas.
Paglalako. Isa pangunahing naging hanap-buhay ng mga taga Ibaan.

Sa pagpunta sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, naitaguyod nito ang pamumuhay ng pamilyang Ibaan. Ganun na din ang ekonomiya ng buong bayan. Mayroong naglalako ng pansarili. At meron din namang nagpapalako kung saan   inilalako ng mga maglalako ang sari-saring produkto ng isang nagmamay-ari.

Mula sa mahirap na pagbibitbit ng mga inilalako, sa paglipas ng panahon, nagbago na rin ang paraan nito. Kung ang mga galing sa Norte, tulad ng Pampanga at Pangasinan, ay gumagamit ng Kalesa dala ang kanilang native products, motor na may sidecar na ang kasalukuyan istilo. Kadalasan, mga gamit sa bahay na yari sa plastics ang dala-dala ng mga ito at maghapon na gumagala sa iba't ibang barangay sa isang bayan.

De motor na paraan ng paglalako.
Syempre pa, bagama't puro maglalako ang taga Ibaan, hindi rin nakakaligtas ang bayan sa ganitong pangangalakal mula sa ibang bayan. At ang nakaka-aliw pa, kumpara sa tradisyunal na paglalako, habang tumatakbo ang de motor na sasakyan, patuloy silang sumisigaw ng "Bente", "Bente", "Bente"!. Nangangahulugan na nagkakahalaga ng bente pesos ang kanilang inilalako. Kadalasan ay lahat ng klase. Kung minsan naman ay mayroon ding mas mataas ang presyo ng ilang nilang inilalako.

Kung dati ay kalidad ang ipinapang-akit sa mamimili, ngayon ay presyo na ang ipinapantawag ng pansin. Epektibo man o hindi, hindi na ito mahalaga. Mas pinagtutuunan na ng pansin ang makabenta, kahit pa anong init o sikat ng araw.

Sa Ibaan, bagama't marami na rin ang naging pag-asenso nito, nananatili pa rin ang paglalako. Buhay pa rin ang ganitong pangangalakal. Tradisyunal man o moderno, ito ang tatak ng Ibaeno.

Bitbit. Kalesa. De Motor. Ano pa man yan, paglalako pa rin yan.

Mabuhay ang mga maglalako!



No comments:

Post a Comment