Monday, November 21, 2011

UB, Bumisita Sa Ibaan


Mga estudyante ng University of Batangas.
Bilang bahagi ng kanilang “Lakbay Aral”, bumisita sa Ibaan ang mga 3rd year highschool na estudyante ng University of Batangas upang malaman ang tradisyon at kultura nito, Oktubre 14, 2011.

Mula sa paglilibot sa iba’t ibang bayan sa ikaapat na distrito ng Batangas , umaabot sa halos 500 na bilang  estudyante, lulan ng 29 na pampasaherong jeep, ang dumating sa Munisipalidad ng Ibaan bandang ika-tatlo ng hapon. Layunin ng nasabing aktibidad ng University of Batangas na higit na maintindihan at malaman ang iba’t ibang aspeto ng isang bayan, lalong higit ang kasaysayan, tradisyon at mga kultura ng mga ito. At isa nga ang Ibaan sa kanilang napili na bisitahin.

Tourism Office Myla Guerra Soriano.
Sa pamamagitan ni Municipal Tourism Officer Myla Gerra-Soriano, malugod na tinanggap ang mga mag-aaral sa unang palapag ng munisipyo at buong kasiyahan na ipinaliwanag sa mga ito ang kasaysayan ng Ibaan.

Gamit ang projector at aktuwal na presentasyon, naging sentro ng talakayan ang tatlong pangunahing bagay na naging dahilan upang makilala ang Ibaan sa lalawigan ng Batangas. Ito ay ang mga kulambo, habi, at higit sa lahat, ang Tamales-Ibaan.

Ang Habi ng Brgy. Munting Tubig.
Sa nasabing pagkakataon, ipinaliwanag sa mga mag-aaral na ang paggawa at paglalako ng mga kulambo at paghahabi ng mga kumot, punda ng unan at iba ang siyang pangunahing hanap-buhay ng mamamayan ng Ibaan. Isang malasutlang kulambo na gawa sa puti at malambot na pisi ang siyang ginagamit upang makabuo ng tela, na siya namang pangunahing materyales sa pagbuo ng isang kulambo. Ang proseso ng paggawa ng kulambo ay kahalintulad ng tradisyunal na paghahabi. At sa paglipas ng panahon, napalitan ang mga pisi ng nylon na siyang ginagamit sa kasalkuyang kulambo ng Ibaan.

Upang higit na maintindihan ang proseso ng paghahabi, minabuti ni Mayor Danny Toreja na maging bahagi ng aktuwal na presentasyon ang mga maghahabi mula sa Barangay Munting Tubig. Dinala rin ng mga maghahabi ang isa sa kanilang tradisyunal na makinarya na gawa sa kahoy, na siyang ginagamit sa paghahabi. Ayon sa mga maghahabi, umaabot na sa 60 taon na ang edad ng nasabing makinarya na haggang ngayon ay kanila pa ring nagagamit, bagama’t nangangailangan na ng konting rehabilitasyon.

Si Ka Gerry habang nagluluto ng tamales.
Sa harap ng mga mag-aaral, ipinakita ang paraan ng paghahabi ng siyang pangunahing proseso sa paggagawa ng mga kumot at iba pang mga kagamitan na gawa sa tela na nabuo sa pamamagitan ng nasabing proseso. Nagdala na rin ng mga “finished product” ang mga maghahabi tulad ng mga kumot, bag, table cloth at iba pa. Laking tuwa naman ng mga mag-aaral dahil nakabili sila ng mga ito bilang “souvenir” mula sa Ibaan.

Sa huling bahagi ng presentasyon, aktuwal naman na pagluluto, paggagawa at pagbabalot ng popular na Tamales-Ibaan ang isinagawa.  Sa mga nakahandang sangkap, si G. Gerry Mangobos naman ang nagpamalas sa mga mag-aaral ang pagluluto ng Tamales-Ibaan. Sa harap ng kalan, maingat na isinagawa ito habang sinasagot ang mga katanungan ng mga mag-aaral. Mula sa pagsasangkutsa ng mga sangkap hanggang sa pagbabalot sa dahon ng saging, matama naman itong pinagmasdan na puno ng interes at paghanga ng mga bisita.

At upang matikman ang sarap ng Tamales-Ibaan, tatlong kahon nito ang inihanda na mabilis namang naubos ilang sandali pa lamang ang nakakaraan.
Sa pagtatapos ng presentasyon, muling inanyayahan ni Mrs. Soriano ang mga mag-aaral, kasama ang pamunuan ng University of Batangas, na mulling bumisita sa Ibaan para naman masaksihan ang mga aktibidades ng bayan ng Ibaan. Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Danny Toreja sa mga mag-aaral sa kanilang pagbisita, ganun din sa mga maghahabi ng Barangay Munting Tubig at kay G. Gerry Mangobos sa kanilang pakikiisa at partisipasyon sa nasabing presentasyon.
























1 comment: